Tuesday, November 27, 2007

scribble #2

hobby na 'ata 'to -
ang paggawa ko ng sariling multo.

hindi ko magawang pumikit sa gabi.

scribble #1

nakakainip maghintay ng ulan
yaong paghihintay upang madatnan ang pagsiping
ng mga baston ni adan, at ng lupang sinilangan
hindi alintana na sa paghuhugas ng kalooban,
mas malaking hungkag ang naiiwan -
kahungkagan na hindi kailanman mapupunan
ng mga patak
ng alinsangan
at alinlangan.

Tuesday, March 22, 2005

long time

nakabangon na ako.
nagmahal nang muli.
muling nasugatan ang puso.
tila nagbigti sa tali.

iyan lang naman ang nangyari
sa torpeng lalaki.
mula nang huli
siyang naglabas ng loob nang
walang pasubali.

Saturday, September 11, 2004

kung kailan ako nagpasyang magpakatoto na sabihin na sa kanya na mahal ko pa rin siya, biglang may pumasok sa eksena.

ngayon, iniisip ko... Iiyak ba akong muli?

ayoko na.

Friday, September 03, 2004

naglalakad ako galing klase sa may paradahan ng kotse. hindi ko alam kung anong naisip ko at binuksan ko ang wallet ko. nakita ko yun picture ng isang babaeng kaibigan. tapos,

Blag!

Naisip ko, parang mali na kalimutan na siya kahit hindi pa naaalis, hindi pa nawawala yung damdamin ko para sa kanya. Mahal ko pa rin siya.

infatuation lang marahil yung mga himutok ko sa mga una kong tala.

Blag!

Oo nga. Mahal ko pa siya.


Saturday, August 28, 2004

bibitaw na ako...

siguro sa pag-ibig.

sa araw-araw na dumadaan, parang lumalabo nang lumalabo ang lahat. ewan ko. minsan, pilit kang nagpapapansin...magdidisconnect siya. minsan naman, malambing. pero madalas hindi kami nagkikita. ewan ko. parang halong takot at kaba. takot na baka mali ang mga desisyon ko. takot na baka masaktan na naman ako. takot na..magkamali. kaba na kung ipagpatuloy ko to, baka masira ang pagkakaibigan. kabang pagkumapit pa ako e lumutang ako ng husto sa mga ulap tapos masakit yung bagsak. ayoko noong ganoon.

mahina ang loob ko. o naging nag-iingat na lang siguro ako. ive been hurt many times before. sana bigyan ako ni Lord ng senyales kung tama nga ba to.

mahirap. pero, tao lang ako. nahuhulog pa rin.


Friday, August 27, 2004

torpe.

AAAAAAAAhhhhhhhh.

gusto ko lang ilabas...
mahirap talagang umibig.
seryoso.
pagkatapos ng inuman noong gabing iyon,
hindi ko na siya nakita.
ewan..

naguguluhan pa rin ako.
lumilipad ang isip ko habang naglalamay
sa isang papel na ipapasa bukas.
paghanga ba to?
pag-ibig?
ewan.

kausap ko siya ngayon.
gusto kong sabihin na mahal ko siya,
hindi ko magawa.
mahirap talaga.

tangnang katorpehan to o.
siguro sinalo ko lahat nang nagpasabog ang diyos ng katorpehan.
swapang kasi. haha
gusto kong makatakas sa takot na bumabalot sa akin
gusto kong makaalpas sa kulungang pumipigil sa pagpapakatotoo ko sa damdamin,
parang nawawala ang salitang mahal sa bokabolaryo ko kapag gusto ko nang ilabas.

magmamahal pa rin ako.
itaga mo yan sa bato.




Sunday, August 22, 2004

Wala.

.hindi ko siya nakita kanina.
.masama ang pakiramdam ko.
.buhay...
.wala.
ito ang una sa bagong tala ng aking buhay sa isang makabagong teknolohiya na tinatawag na kompyuter. tila isang bagong pagsilang sa isang panibagong mundo. isang magandang simula...sana.

mga himutok na isang sawi at nagugulumihanang... ewan ko.

eto na...

nanggaling ako sa isang inuman kagabi.
rum-coke. gin-sprite. strong ice. red horse.
maraming pagkain sa mesa.
katabi ko siya.
hanggang alas-onse lang kasi siya. kaya mabilisang inuman to.
naka-ubos kaming dalawa ng isang boteng rum, at ako kalahating boteng gin.
ayaw niya kasi ng serbesa.
kahit pakiramdam ko malamang siya na...
nagugulumihanan pa rin ako.

siguro hindi pa ako nakakakalas sa nakaraan.
siguro may lamat pa ng nakaraan sa puso kong duguan.
nasaktan ako masyado. nasasaktan pa marahil hanggan ngayon.
pero, ayoko mang masaktan,
ayoko mang mahirapan,
hindi kumpleto ang meron.
magwawala ako.
magwawala.
mawawala sa meron ng mundo.
mawawala sa meron ng sariling sinasaktan ko.

hindi ko pa masagot ang mga tanong.
siguro. marahil.
nahuhulog na kaya ako?

pero kahit ano pa.
pipiliin ko pa ring magmahal,
pipiliin ko pa ring masaktan,
pagpapakatanga,
siguro.
pero sa pagpapakatangang iyan,
nabubuhay ako.